BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS

Tuesday, March 8, 2011

PAGHIHINTAY

       Hanggang kailan nga ba kakayaning maghintay ng isang taong nagmamahal? Hanggang may nasisilip pa siyang pag-asa o hanggang kaya pa niyang maging manhid sa mga nakikita niya?
       
      Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataong maging masaya sa piling ng taong mahal nila. May mga patuloy pa ring naghihintay at umaasa na balang araw, ang taong pinag-uukulan nila ng damdamin ay suklian ang pagmamahal nila. May mga patuloy na naghihintay sa pangakong binitiwan ng taong pinapahalagahan nila. May mga patuloy na naghihintay sa mga bagay-bagay kahit wala nang pag-asa. At may mga patuloy na umaasa sa isang sumpaang hindi na malaman ang pinag-ugatan.

      Marahil kaloob na ng salitang "PAGHIHINTAY" ang salitang "PAGTITIIS" lalong higit ang salitang "MASAKTAN". Masakit maghintay sa isang taong kailanman ay hindi ka pinahalagahan. Masakit maghintay sa isang taong hindi alam ang salitang masaktan. At lalong masakit maghintay sa isang taong hindi alam ang salitang pagmamahal.

      Mahirap maghintay lalo't alam mong wala ka na palang dapat ipaghintay. Mahirap umasa lalo't alam nating wala na palang dapat asahan. At mahirap magtiis lalo't alam nating wala na palang dapat pagtiisan.

      Sobra nga lang ba tayong magmahal kaya't nagagawa nating maghintay? O sabihin nating sobra na tayong manhid kaya't hindi natin maramdaman na ang taong hinihintay nating mahalin tayo ay naghihintay din pala sa pagmamahal ng iba?

      Habambuhay ba tayong magpapakatanga sa paghihintay sa wala? O babangon tayo at haharapin ang liwanag ng umaga?

0 comments: